TULFOCIARY: Ikaapat na Sangay ng Gobyerno


Tulfociary: Ikaapat na Sangay ng Gobyerno

   Isang isyu na gumulantang sa sektor ng edukasyon ang lumabas sa pambansang telebisyon kamakailan lamang. Mainit pa sa kumukulong tubig ang usapin sa ginawa ng isang guro sa kaniyang ginagabayang estudyante. Dalawang panig na may kani-kaniyang tindig hinggil sa aksyon na ginawa ng isang guro sa musmos na bata na anak ng nagrereklamong magulang.  Mapapaisip ka kung sino ang nagkamali? Guro ba na ginampanan ang trabaho lagpas sa sinumpaang tungkulin o ang magulang na pinoprotekhan lamang ang kaniyang anak? Maaari din bang sisihin ang maling paghatol ng tinatawag kong ikaapat na sangay ng gobyerno?

 Sa usaping ito, nais kong masuri ang iba't ibang anggulo nang sa gayon ay makabuo ako ng isang paghuhusga na walang pinapanigan o ang pagiging bias. Iniiwasan ko ang pagpanig sa isa sapagkat ako ay kasalukuyang nanag-aaral upang maging guro.

PANIG NG MAGULANG

        Walang magulang ang nagnanais na masaktan ang kanilang anak lalo't higit sa pinagkatiwalaan nitong mga tao. Kampante ang loob ng mga ito sa paghahabilin ng kanilang anak sa tinaguriang pangalawang magulang nito - ang guro. Naniniwala sila ang paaralan bilang pangalawang tahanan ng mga bata ang lugar kung saan madarama ng mga ito ang kalinga at pagmamahal na ibinibigay na nakakamit nila sa bahay. Malaki ang nakaatang na pagtitiwala na ibinigay ng mga magulang sa guro sa oras na ihatid nila ang kanilang mga anak sa paaralan. Ngunit, sa usaping ito, animo'y nagkamali ang guro sa desisyong hayaang makupkop na tinguriang pangalawang magulang ang kanilang mga anak?

  Umapela sa isang programa     sa telebisyon ang mga magulang ng batang pinalabas ng guro sa silid-aralan sa oras ng klase nito. Ginawa ito ng guro bilang isang kagyat na interbensyon sa pagkaiwan nito ng kaniyang class card. Makikita sa surveillance camera ng paaralan ang mga aksyong ginawa ng guro ng palabasin niya ang kaniyang estudyante. Dagdag pa, ayon sa magulang na nakita ng mga pangyayari, napahiya raw ang bata sa kapwa nito kamag-aaral sa paaralan sa ginawa ng guro. Makikita rin ito sa bidyo kung saan nakayuko ang bata na ipinahihiwatig na napahiya ito ayon sa programa. Nagdulot ito ng trauma sa bata bunsod ng pamamahiya sa bata at pagpapalabas nito sa oras ng klase nya.

   Dahil sa mga aksyong ginawa ng guro, nanawagan silang mawalan ito ng lisensya sapagtuturo at matigil sa serbisyo nang sa gayon ay hindi na muling maulit ang ganitong mga pangyayari. Mariin na sinasabi ng mga magulang na dapat itong mawala sa serbisyo.

PANIG NG GURO

   Pagtugon sa gampaning iniatang ng sinumpaang tungkulin ang palagiang aksyong ginagawa ng mga guro bilang pangalawang magulang ng mga bata sa paaralan. Laging higit pa sa tungkulin ang ginagampan ng guro sa kaniyang paggabay sa magulang. Pangalawang magulang sila sa panglawang tahanan ng mga bata. Walang ibang ninais ang mga guro sa kanilang mga estudyante bagkus ang mahubog sila sa lahat ng aspekto. Ngunit, bakit parang hindi ito nakikita ng tunay na mga magulang?

   Interbensyon at pagdidisplina lamang ang ginawa ng guro sa kaniyang estudyanye, hindi. ang pamamahiya. Walang ibang nais maging bunga ang guro kundi ang mapaitanto sa bata ang kaniyang ginawa. Maaaring mali ang pagpapalabas sa klase, ngunit inihingi ito ng patawad ng guro sa mga magulang.

   Inireklamo ang guro dahil sa pagpapalabas nito sa klase ng isang estudyante. Ayon sa guro, nadala lamang ito sapagkat nakikipag-away ito sa kapwa mag-aaral, naragdagan pa ng pagkaiwan nito ng class card nito. Hinihiling siyang maalisan ng lisensya at maalis sa serbisyo.

TULFOCIARY: HATOL NA BULOK

   Buong tapang kong sinasabi na mali ang desisyon ng programa bilang hatol sa ginawang aksyon ng guro sa kaniyang estudyante. Bagaman, humingi na tulong ang mga magulang, wala sa posisyon ang programa upang manghusga sa isang isyu. Pinagulo lamang ng programa ang usapin dahil sa panggagatong na ginawa nito upang mas lalong mag-init at tumaas ang galit ng mga magulang sa guro. Desisyong baluktot ang inihatol ng tinagurian kong ikaapat na sangay ng gobyerno.

   Hindi ko kinokonsente ang guro sa kaniyang ginawa sapagkat tama ang sinabi sa programa. Mayroong kaukulang mga batas at ordinansa ang nalabag ng guro. Nagdulot ito ng trauma sa bata na siyang ikinagalit ng magulang. Hindi nakasunod ang guro sa mga alituntunin patungkol sa pagbibigay ng interbensyon para sa mga mag-aaral.

   Hindi ko rin sinasang-ayunan ang panig ng magulang sapagkat hindi nila nakita ang layunin ng guro kung bakit nagawa niya ito. Maaaring naging mababaw ang pagtingin ng mga magulang at naniwala sa nakitang bidyo. Nawala ang esensya ng ginawa ng guro sapagkat kinampihan nila ang anak na maaaring may maling nagawa kaya binigyang ng reinforcement ng guro.Higit pa, lumapit sila sa maling institisyon.

   Mali ang panghihimasok ng programa patungkol sa usapin na dapat ay naging tulay lamang sila upang matulungan ang mga magulang na dumulog sa tamang institusyon. Bagkus, dahil din siguro sa pagpapataas ng kanilang ratings ay mas naromanticized ang kalagayan ng bata na nagdulot ng pagtaas ng emosyon ng magulang sa guro.

   Para sa akin, maganda ang hangarin ng programa na tumulong ngunit wala sa kamay nila ang katarungang hinihingi ng dumudulog sa kanila. Isa lamang silang programa upang ipalabas sa telebisyon, hindi para bumuo ng hatol na animo ay hawak nila ang batas ng bansa.

Comments

Popular posts from this blog

K TO 12 : KOLEHIYO, TRABAHO, NEGOSYO (Isang Joke)

SA LOOB NG SILID-ARALAN