K TO 12 : KOLEHIYO, TRABAHO, NEGOSYO (Isang Joke)

K TO 12 : KOLEHIYO, TRABAHO, NEGOSYO ( ISANG JOKE! )
 
     Napakaganda ng adhikain ng Kagawaran ng Edukasyon gayundin ng gobyerno ng ipinanukala at isinabatas ang bagong anyo ng kurikulum na sasagot sa pandaigdigang kahingian at makabagong takbo ng daloy ng edukasyon sa buong mundo. Sabi nila, tatlo ang maaaring patunguhan ng mga nagsipagtapos sa ilalim ng K to 12 Basic Education Curriculum. Kolehiyo para sa  mga nais magpatuloy sa mas mataas na antas ng edukasyon, trabaho para sa mga nais ng maghanapbuhay sa tulong na disiplinang kanilang kinuha at magkapagbuo ng mga kabataang negosyante. Hindi ba na kay ganda ng adhikain ng pamahalaan sa pagpapanukala ng kurikulum na ito? Matatawa ka ba kung ito ay isang joke ?


    Sabi sa mga balita na magkakaroon daw ng pagrerepaso ng  kurikulum na ito sapagkat hindi raw nagkatotoo ang sinabi ng  Kagawaran ng Edukasyon patungkol sa pagkakaroon ng trabaho ng mga kabataan na nagtapos sa ilalim  ng kurikulum na ito. Hindi ba patunay ito na isa lamang biro ang isa sa mga adhikain ng kurikulum na  ito patungkol sa trabaho? Karagdagan, ayon sa Kamara kinakailngan ng pagrerepaso nito. Nararapat lamang ito.

   Ang isang adhikain ay maituturing na maganda at hindi isang biro lamang kung ito ay natutupad. Sa ganang akin, nararapat lamang ang pagrerepaso ng medyo palpak na  kurikulum. Maganda ang kurikulum , nagkaproblema lamang sa paghahanda at implementasyon. Animo'y ang kurikulum natin ay isang magandang kotse na minamanipula ng isang baguhang drayber. Huli na ang pagererepaso. Dapat noon pa lamang ay nakita na ng kinauukulan ang ganitong problema. Palagi na lamang huli ang aksyon kaya nagpapatong-patong ang mga problema. Ang pagrerepaso gagawin sa kurikulum ay huli na pero mas  maayos kaysa hindi pa rin mabago ang di-gaanong magandang kinalabasan ng programa. Ang pagrerebyu  at pagrebisyon ng kurikulum ay nararapat na sumagot sa kahingian ng pagakakaroon ng  trabaho gayundin ng pagsuporta sa mga kabataang nagpatuloy sa kolehiyo at pag-aalalay sa mga kabatang nagpasya na magkaroon ng negosyo. Hindi lamang nararapat sa pagrerepaso, kinakailangan ng agarang soulsyon at aksyon para sa agarang pagsagot sa probelma. Kaawa-awa ang mga kabataang naniwala sa adhikaing naging joke ng pamahalaan. Ang nangyari sa ating pamahalaan ay naging huli sa mga pagtugon kaya mas lalong lumalala ang mga probelamang kinahaharap. Huwag sanang mauwi sa pagrerepaso lamang.

   Bilang magiging guro, iminumungkahi ko sa mga kinauukulan na  magkaroon ng mga agarang interbensyon para sa mga problemang maaaring kaharapin pa ng ganitong mga problema. Agarang solusyon para sa adhikaing naging joke ng kagawaran. Palagiang huli ang mga interbensyon ng mga taong nararapat na tumugon sa panawagan ng mga nasa ibaba. Huwag sanang magtaingang-kawali ang  mga nasa matataas na tao sa pamahalaan sa mga hinaing na kabataang kanilang pinaniwala sa adhikain nilang naging joke. Kaawa-awa ang mga kabataang aming pinaghahandaang hubugin upang maging pag-asa at tagapagtaguyod ng bansa kung mananatili ang ganitong kalakaran ng usag-pagong na pagbabago sa di-gaanong tamang pagpapnukala ng ganitong kurikulum.

   Ikaw! Sa tingin mo, joke lamang ba ang adhikain ng K TO 12 EDUCATION CURRICULUM?

Comments

Popular posts from this blog

SA LOOB NG SILID-ARALAN