SA LOOB NG SILID-ARALAN

Sa Loob ng Silid-Aralan

          Pangalawang tahanang pinuno ng kaalaman at karanasan. Ang hulmahan ng mga pag-asa ng bayan upang maging isang kapakipakinabang na mamamayan. Alaala ay palagiang magugunita ng isang guro na dito na tumanda. Nagsilbi bilang pangalawang magulang sa pinagyamang pangalawang tahanan ng libo-libong mga bata.

Taniman ng Kaalaman
   
           Magsasaka kang ituturing sa pagpasok ng silid. Ngunit ang laging tangan ay libro minsan pa nga ay laptop. Itinanim na mga binhi laging tatanungin ang presensya at ang ibang nawawala ay pilit na pababalikin sa matabang lupain. Tataniman ay hindi lupa bagkus kaisipan. Pagpasok ng silid, leksyon ang gagamiting pampataba. Hindi lamang aral sa libro ay ihahasik bagkus aral na buhay upang lumagong tunay. Pulang bolpen ang pang-alis ng talahib na umaagaw sa sustansya. Pagdating ng anihan, luha ay tutulo sapagkat lahat sila ay nagbunga. Hindi ng ipa bagkus ng palay.

Pandayan ng Karanasan

  Isa kang panday kung ituring sa pagpasok ng silid. Ngunit hindi nagbabagang mga apoy ang gagamitin sa paghuhubog. Karanasan ang panghubog ng matitibay na bakal upang mapatalas at mahasang lubos. Bawat isa ay huhulmahin, walang iiwanan. Hindi papaluin bagkus ay papangaralan. Hulmahang silid, pupunuin ng karanasanang babaunin panghabambuhay. Pagdating ng patalasan at pakintaban ng paghahasa, luha ay muling tutulo sapagkat sila ang pinakamatibay na patalim.

Habian ng Pangarap

   Maghahabi ang turing sa pagpasok ng silid. Hindi sinulid at tela ang iyong laging hawak bagkus pangaral at determinasyon ang lagi mong dala. Pagsusulsi ng aralin, nakabubuo ng pangarap. Kritikal ang paglalagay ng bawat kulay ng sumang-ayon sa paningin ng iba. Hindi pababayang itigil nila ang paghahabi, hindi papayagang bitawan sinulid at tela. Pagdating ng pagsusuot ng hinabi, luha ay muling tutulo sapagkat suot nila ang pinakamagandang kasuotan.
   
Salamat, Guro!

             Luha ko ay tutulo. Siguro ako ay isang iyaking guro. Hindi naman siguro masama kung ako ay naging magsasaka, panday at maghahabi sa loob ng aking silid. Dito na ako tumanda. Sa aking larangan, kahit inabot ng dapit-hapon ng buhay, walang iba nais marinig kundi “Salamat, Guro!”. Tiyak luha ko ay muling tutulo.



   

Comments

Popular posts from this blog

K TO 12 : KOLEHIYO, TRABAHO, NEGOSYO (Isang Joke)